Sunday, January 27, 2008

O Sige na nga!

Matapos ang mahabang panahong pagliligoy ligoy kung talagang isasakatuparan ang matagal nang binabalak, dumating din ang panahon na pagtibayan na ang kalooban na panimulan na ito. Bagama’t nag-aagam ang kalooban na ang kahulugan nito ay ang pagbubukas ng isinasapuso o isinasaloob sa kahi’t kanino sa sangtinakpan na nakababasa’t nakaka-intindi ng wikang Pilipino, ang katanungang laging gumigiit ay kung hindi pa panahong pasisimulan ngayon ay kailan pa kaya?

Naaakyo bilang kinupkop ng banyagang bansa na isa sa pinakamaunlad sa sangsinukob na sa araw na ito, ika-28 ng Enero, ay sinimulan ang katuparan ng gawaing ito. Sa araw na ito ay ina-alala’t ipinaparangal ang sinasabing ‘pagkakatuklas’ ng Inglatera sa pinakamalaking isla’t natatanging kontinente nuon 1788. Bagama’t ang kinahinatnan para sa mga katutubo ng pagkakatuklas ng kung saan sila’y nanahanan sa nakaraang ‘di kukulang sa isang daang siglo ay hindi kanais-nais, sa mga bagong salta ang araw na ipinagdiriwang ito ay tinanggap nang talagang dapat na alalahanin.

Bagama’t hindi baguhan sa larangan ng pag-gamit ng ‘Internet’, ang isang para sa akin ay walang kabuluhan ay ang pagbubukas ng isang nilalang ng kanyang kalooban at pag-iisip sa pagsusulat ng ‘blog’.
Sino ang magnanais na malaman kung ano ang iyong isinasaloob? Hindi ko yata maa-atim na gawin ito at ipagbando sa sanglibutan kung ano man ang aking pinag-iisipan. Datapwa’t nang mabasa ang mga isinulat nang mga naunang malalakas ang loob na ibahagi ang kanilang kaisipan, ito pala’y nakapagdudulot ng kaligayahan sa mga tumutunghay. Akin din napagtanto na ako pala ay gumagawa na rin nito, pero sa ibang pamamaran, sa ‘website’ na mga lahing Vergara sa Pilipinas . Kaya ngayon ay isa na ako sa mga tinatawag na ‘bloggers’. Kailan kaya ako tatagal sa pagbo-‘blogging’? Hindi kaya ito pagsasayang ng panahon kung wala namang makababasa nito? Bakit sa wikang Pilipino ko ito ginagawa at parang pinagmamarutan ang mga ‘di talos ang wikang ito? Nararapat sigurong ibulatlat ko muna ang aking pagkatao sa mga tutunghay nito. Gagawin ko ito hindi sa pamamarang kronologikal at ‘linear’. Magiging samot samot ito na kung saan matutungo ayon sa kung ano ang sinimulan. Ang inyong lingkod ay malapit nang tumuntong sa ika-animnapu’t dalawang tag-araw – walong taon pa bago sapitin ang nasa bibliyang ‘three scores and ten’ (Ps 90: 10) na ang kabuuan kung isasalin ay ang sumusunod: ‘Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon, o kung malakas kami ay walumpung taon, ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang, ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala’.

Mahigit na sa kalahati ng buhay ang inilalagi sa bayang banyaga kaysa sa bayang sinilangan. Mayruon nang halos tatlong buwan ang nakalilipas ng simulan ang panibagong antas ng buhay bilang guro ng ESL (English as a Second Language) sa mga may-idad nang mag-aaral. Sila’y binubuo ng mga bagong salta, mga ‘refugees’ at mga mamamayan na nawalan, o kinakailangang humanap, ng hanapbuhay. Galing sila sa mga bansang ang Ingles ay ‘di palasak na ginagamit. May kanya kanyang kasaysayan ang bawa’t mag-aaral tungkol sa kung paano sila napadpad sa bansang ito. Mas marami sa kanila ay napilitang lisanin ang bansang sinilangan dahil sa karahasan at kaguluhan. Masasabi kayang mas mapapalad ang mga Pilipinong lumisan sa sariling bayan hindi dahil sa kaguluhan kung hindi dahil sa kahirapan? Sa mga kapuwa kong mga ‘bagong’ salta na ‘di nagkaruon ng pagkakataong magkaruong ng kaalaman ng wikang Ingles sa mga bayang pinagmulan, isang malaking kaligayahan ang maging gabay sa kanilang pakikipagbuno sa wikang ‘Australian English’. Ano ang nagbunsod sa akin na sa ‘hinog’ na idad ay tumanggap ng panibagong hamon? Bakit ako nagtitiyaga na magpakahirap sa pagtuturo sa mga mag-aaral na ang mga utak ay kulta na’t ang dila ay matitigas na para matutuhan ang tamang pagbikas ng mga salitang Ingles? Kasama na dito ang ang pagsasakatuparan ng pinag-aralang pamamaraan sa pagpapaliwanag at pag-akay sa tamang pagbasa at pagsulat. Dapat pa bang pag-abalahan ko pa ba ang mga ito sa pag-iisip at paghahanda ng mga tamang kaparaanan para magampanang kong mabuti ang papel na ito? Hindi ko maita-tanggi na sa kabila nito ay muli kong natagpuan ang kasiyahan sa pagtuturo na una kong naranasan bilang guro sa bansang sinilangan mahigit na tatlumpung taon na ang nakakaraan.